Pakisama
Sino ba nag-imbento ng salitang pakisama? Mukhang hindi yata na-define ng tama.
Pakisama daw ang tawag sa maayos na pakikitungo sa ibang tao para magkaron ng maaliwalas na kapaligiran. Harmonious atmosphere, ika nga. Pakisama din daw ang tumahimik paminsan at sarilinin ang opinyon kung makakasakit lang at wala namang maitutulong. Pakisama din daw ang pagkukusang kumilos. Pakisama din daw ang pag-unawa.
Pakisama din kaya yung pagbigyan ang mga request ng isang tao tulad ng pagsingit sa pila; pag-unang asikasuhin ang papeles ng isang tao dahil kakilala mo; paglista ng isang estudyante bilang scholar kahit di naman siya deserving (kilala mo kasi yung magulang niya) o yung pabayaan mo na lang gawin ng isang tao ang gusto niyang gawin kahit nakakapeste na?
Ayaw mo nga naman kasi ng gulo.
Hindi porke’t walang gulo, walang maling nangyayari. Hindi harmonious ang atmosphere pag merong nanloloko, niloloko at nagpapaloko. Idagdag mo pa diyan ang pagmamaang-maangan.
Hind pakisama ang pagtahimik tungkol sa mga nalalaman mo’ng mali sa paligid mo. Niloloko mo lang ang sarili mo na maayos ang mundo mo.
Hindi pakisama ang magpaabuso sa iba. Pinapagod mo lang ang sarili mo. Pinapaabuso mo sila.
Hindi pakisama ang tanggapin ang opinyon ng isang tao dahil lang kilala mo siya, mabait siya o sikat siya. Hindi din pakisama ang i-reject ang opinyon ng isang tao dahil lang karamihan ng tao ay ayaw sa kanya. Nanghuhusga ka lang.
Hindi pakisama ang pagsunod sa gusto ng karamihan kahit alam mo’ng mali. Hindi dahil ginagawa ng lahat o ng karamihan, ibig sabihin tama na. Pag ba dumami ang pumapatay, dapat ba pabayaan na lang natin kasi marami namang gumagawa?
Ang hirap sa atin, kelangan muna nating mapeste hanggang buto bago natin aksyunan ang isang bagay o sistema. Nag-iiba din tuloy ng kahulugan ang pagtitiis.
Pano nga kasi “ayaw natin ng gulo”.





